Pacman ililibre sa buwis
MANILA, Philippines – Isinusulong ng ilang mga kongresista na bigyan ng tax exemption si boxing icon Manny Pacquio mula sa kita sa laban nito sa Amerikanong si Floyd Mayweather.
Ayon kay Ako Bicol Partylist Representatives Christopher Co at Rodel Batocabe, senior member ng House Ways and Means Committee at spokesman ng partylist Coalition, na ang karangalan na ibinibigay sa bansa ni Pacquiao bilang boksingero ay walang katumbas na halaga.
Kaya marapat lamang anila na bigyan ang People’s champ ng inspirasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng tax incentive na tulad ng panukala na isinusulong din ni Senador Aquilino Pimentel III.
Iginiit pa ng mga kongresista na mistulang pinagkakaisa umano ni Pacman ang tao dahil sa tuwing may laban ito ay nagkakaisa ang New People’s Army (NPA), Moro Islamic Liberation Front (MILF) maging ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Para naman kay Agap partylist Nicanor Briones, vice-chairperson ng Committee on Ways and Means at CIBAC partylist Rep. Sherwin Tugna, na isang living hero si Pacquio kaya dapat itong bigyan ng tax exemption.
Base sa panukala ni Pimentel, ang special tax incentive ay isang “fitting tribute” para kay Pacman na nagbibigay ng karangalan sa bansa at muling makikilala ang bansa sa buong mundo dahil sa inaabangang laban nito kay Mayweather sa Mayo 2 sa Las Vegas, USA.
Matatandaan na pinaalalahanan na rin ni BIR commissioner Kim Henares si Pacquiao kaugnay sa pagbabayad nito ng buwis sa nalalapit na laban nito dahil sa inaasahang bilyong pisong kikitain nito.
- Latest