Pacquiao-Mayweather fight tiyaking ‘National No Brownout Day’
MANILA, Philippines – Pinatitiyak ng isang senador sa mga energy officials ng bansa na magiging “National No Brownout Day” ang May 3, ang araw ng laban ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.
Ayon kay Sen. Ralph Recto, tiyak na magiging ‘punching bag’ ng galit ng taumbayan ang gobyerno kung magkakaroon ng power interruption sa inaabangang laban ng Pambansang Kamao.
Giit ni Recto, dapat gamitin ng executive branch ang emergency powers na inaasahang ipagkakaloob ng Kongreso upang tiyakin na hindi magkakaroon ng brownouts sa darating na summer lalo na sa Mayo 3.
Masusubukan aniya sa nasabing petsa ang emergency powers na ipagkakaloob sa Pangulo.
Balak nitong isama sa “promissory note” na ipasusumite ng Kongreso sa Department of Energy (DOE) ang paniniyak na may sapat na suplay ng kuryente sa laban ni Pacquiao at Mayweather.
Naniniwala si Recto na may sapat na kapangyarihan at pondo ang gobyerno para tiyaking walang brownouts hindi lamang sa Mayo 3 kundi sa buong summer.
- Latest