Katotohanan ‘utas’ din sa Mamasapano
MANILA, Philippines – Sinabi kahapon ni United Nationalist Alliance Interim President Toby Tiangco na ang katotohanan ang huling biktima ng Mamasapano tragedy.
Tinuran ito ni Tiangco kasabay ng paggunita sa ika-isang buwan nang pagkasawi ng 44 na tauhan ng PNP-Special Action Force sa isang enkuwentro sa mga rebelde sa Mamasapano, Maguindanao.
Pinuna ni Tiangco na ang desisyon ng Senado at Kamara na tapusin ang imbestigasyon sa masaker sa Mamasapano ay isa ring “yellowwash” bukod pa sa pagiging whitewash na bunsod ng mga miyembro ng Kongreso na loyalista ng administrasyon.
“Hindi maitatatwa ng dalawang kapulungan ng Kongreso na iginigiit nila ang maagang pagtatapos ng mga pagdinig. Malinaw na isa itong yellow washing pero hindi na mabubura ng kanilang mga hakbang ang baho ng cover up,” sabi pa ni Tiangco.
Ayon kay Tiangco, nakakabahala na tinatapos ng Senate Committee on Public Order ang mga pagdinig ngayong lumilinaw na ang mga timelines at roles.
Hindi pa rin anya nasasagot ang tanong kung ano ang papel ng Pangulo at ng Commander-in-Chief sa misyon na ikinamatay ng 44 na tropa ng SAF.
Samantala, nanawagan kahapon si Vice Pres. Jejomar Binay sa mamamayang Pilipino na bantayan ang isinasagawang imbestigasyon sa pagkamatay ng 44 tauhan ng PNP-SAF.
Ginawa ni Binay ang panawagan kaugnay ng paggunita sa unang buwan mula nang maganap ang Mamasapano encounter na napasabay sa paggunita rin sa 1986 People Power revolution.
“Lagi po sana tayong magmatyag sa lahat ng ginagawang imbestigasyon sa nangyaring trahedya sa Mamasapano. Tiyakin natin na lalabas ang katotohanan at mabibigyan ng hustisya ang mga bayani ng SAF,” sabi pa ni Binay.
“Ipagpatuloy natin ang pagsisikap na magkaroon ng kapayapaan sa Mindanao. Dapat itong matagalan at namamantini na walang takdang panahon. Dapat isa itong kapayapaan na nakasandig sa ating Konstitusyon,” dagdag ni Binay.
- Latest