Pinas, top 3 sa nagtatapon ng plastic na basura
MANILA, Philippines – Top 3 ang Pilipinas sa mga coastal countries sa buong mundo na malakas magtapon ng mga plastic na basura laluna sa karagatan.
Ito ay batay sa ulat ng Ecowaste Coalition kung saan top 1 ang China at Top 2 ang Indonesia.
Sa pahayag ni Aileen Lucero ng EcoWaste Coalition, napapanahong higit na palakasin ng pamahalaan ang Zero waste and anti-plastic bag campaign dahil habang patuloy ang pagdami ng populasyon sa ating bansa ay patuloy din ang pagtaas ng dami ng basurang plastic na napupunta sa mga dalampasigan.
Anya, may 15 taon nang naipatutupad ang Ecological Solid Waste Management Act (RA 9003) pero wala pa ring nangyayaring pagtalima sa mga bagay na nakakaapekto sa kalikasan.
Sa ginawa nilang paglilinis sa Manila Bay noong 2014 kasama ang Global Alliance for Incinerator Alternatives, Greenpeace at Mother Earth Foundation, nakalimas sila ng 61.9 percent ng mga basura at mula rito ay 23.2 percent ay mga plastic.
Ilang taon na anya nilang ginagawa ang ganitong paglilinis ng karagatan pero taun-taon na lamang ay paulit-ulit at padami ng padami ang mga basurang natatambak sa mga dalampasigan.
Sinasabing may 17.5 milyong tonelada ng plastic debris ang naitatala kada taon at malamang na abutin sa 155 milyong tonelada mula ngayong taon hanggang 2025 kung walang gagawin ang bansa sa mga plastic na basura.
- Latest