'Konkretong patunay' hanap ng Malacañang sa MILF para pagkatiwalaan
MANILA, Philippines – Ikinatuwa ng Malacañang ang pagbabalik ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ng mga armas ng mga nasawing miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) ngayong Miyerkules.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Office Secretary Herminio Coloma Jr. na isa itong patunay na seryoso ang MILF sa Bangsamoro peace process sa kabila nang pagkasawi ng 44 miyemrbo ng SAF sa Mamasapano, Maguindanao.
"Ang pagsauli ng mga armas ay bahagyang tumutugon sa naunang panawagan ni Pangulong Aquino na magpakita ng kongkretong katibayan ang MILF na sila ay maaaring pagkatiwalaan bilang katuwang ng pamahalaan sa prosesong pangkapayapaan," pahayag ni Coloma.
Kaugnay na balita: Ibang armas ng SAF hinahanap pa – MILF
Dagdag ng tagapagsalita na sa kabila ng pagbabalik ng armas ay naghihintay pa ang gobyerno ng karagdagang patunay sa sinseridad ng MILF.
"Hinihintay pa ng pamahalaan ang mas kongkretong patunay.”
Sinabi pa ni Coloma na dapat ay tumulong din ang MILF sa pagtugis kay Basit Usman, ang kasamahan nang nasawing Malaysian terrorist Zulkifli bin Hir, alyas Marwan. Aniya, bukod pa ito sa pagtukoy ng MILF sa mga miyembro nilang pumaslang sa mga SAF.
"Kung ang magiging resulta ay walang manipestasyon o hindi pagtupad, 'di nangangahulugan lang ‘yon na hindi ganap ‘yung kanilang kooperasyon o ‘yung pakikiisa sa ating pamahalaan."
- Latest