Walang nasirang chain of command - Purisima
MANILA, Philippines - Nilinaw ni dating Philippine National Police Chief Alan Purisima na walang nasirang chain of command nang isagawa ng PNP-Special Action Force ang Operation Wolverine para sa pagtugis sa teroristang sina Marwan at Usman sa Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi ng 44 na tauhan ng PNP-SAF noong Enero 25.
Ginawa ni Purisima ang paglilinaw nang humarap siya kahapon sa committee on public order and safety at ng special committee on peace, reconciliation and unity ng House of Representatives sa pagsisimula ng imbestigasyon nito sa masaker sa Mamasapano.
Sabi ni Purisima, nang umupo siya bilang director general ng PNP noong Disyembre 2012, naglunsad sila ng mga proyekto para tugisin at ipatupad ang arrest warrant laban sa mga teroristang tulad nina Marwan at Usman. Kabilang dito ang Operation Exodus, Oplan Wolverin at Oplan Terminator.
Nang aprubahan anya ang naturang mga operasyon, ibinigay ng hepe ng PNP sa SAF director ang kontrol at superbisyon sa operasyon at ito ang pinakamataas sa chain of command. Ito anya ang dahilan kaya hindi na kailangang ipaalam sa kalihim ng Department of Interior and Local Government ang misyon.
Idiniin ni Purisima na hindi apektado ng pagkakasuspinde sa kanya ang kapangyarihang ibinigay niya sa SAF commander.
Dagdag niya, nang masuspinde siya, wala na siyang awtoridad na mag-utos sa sino mang commander alinsunod sa PNP operational procedures. Dahil dito, nasa kamay na ng ground commander ang pagpapatupad sa misyon.
Bukod dito, sinabi ni Purisima na batay sa Konstitusyon, hindi umaangkop sa PNP na isang civilian organization ang chain of command na isang military concept. Malinaw anya ito sa Department of the interior and local government act of 1990 at PNP reform act of 1998 na nagsasaad na ang PNP ay nasa ilalim ng administrative control at operational supervision ng National Police Commission. Wala anyang kontrol at superbisyon sa PNP ang DILG at ang kalihim nito dahil hindi ito bahagi ng chain of command. Kahit ang DILG secretary ang ex-officio chair ng Napolcom, kumikilos ang ahensiya bilang collegial body at hindi sa pamamagitan ng sariling pagkilos ng Napolcom chair.
Sabi ni Purisima na, kahit suspendido siya, hindi siya nito pinipigilang magbigay ng payo at paalala sa force commander. (Butch Quejada)
- Latest