Itinakwil ng pamilya, kelot nagtangkang mag-suicide
MANILA, Philippines – Dahil sa labis na kalungkutan at problema matapos na itakwil ng pamilya sanhi ng pakikipagrelasyon niya sa kanyang hipag, tinangka ng isang 20-anyos na binata na magpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon sa may 20 talampakang taas ng billboard sa GMA station ng Metro Rail Transit sa lungsod Quezon, kahapon ng hapon.
Ang binata na nakilalang si Joshua Ortega, residente sa La Union na matapos ang halos tatlong oras na negosasyon ay kusa namang sumama sa mga rumispondeng tropa mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), bago ito tuluyang dinala sa himpilan ng Quezon CIty Police District station 10.
Nangyari ang insidente, dakong ala-1:30 ng hapon sa may billboard ng GMA station ng MRT sa Edsa sa lungsod.
Sa panayam kay Ortega, sinabi nitong ginawa niya ang tangkang pagpapakamatay dahil sa hirap na hirap na siya sa ginawang pagtatakwil sa kanya ng kanyang pamilya matapos na mahuli silang may relasyon ng kanyang hipag na asawa ng kanyang kuya noong taong 2012.
Diumano, kusa siyang lumayo sa pamilya at sa kanyang hipag at nagtungo sa La Union, subalit dahil hindi niya makalimutan ang hipag na tutuong minahal umano niya, ay labis siyang nalungkot at tinangkang magpakamatay noong January 11, 2014.
Pero dahil sa patuloy anya na naalala ang hipag, ipinasya niyang lumuwas ng Maynila sakay ng bus bitbit ang isang posas, para muling tapusin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagpanhik sa Billboard na siya niyang ginawa.
Sa tuktok, kusang ipinosas ni Ortega ang dalawang kamay saka nagpalambi-lambitin sa ere dahilan para mapansin ito ng mga nagdaraang pedestrian at itinawag sa otoridad.
Nang tanungin si Ortega kung saan galing ang posas, sinabi nitong pag-aari anya ito ng ka-live-in ng kanyang nanay na namayapa na.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng PS10 si Ortega para sa kasong alarm scandal na isasampa laban sa kanya.
- Latest