‘Ako ang may sala’ – Napeñas
MANILA, Philippines – Halos inako lahat kahapon ni dating Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) Chief Getulio Napeñas Jr. ang responsibilidad sa paglusob ng kanyang mga tauhan sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25 upang hulihin ang teroristang si Zulkifli bin Hir alyas Marwan at Basit Usman na nagresulta sa pagkamatay ng 44 miyembro ng SAF.
Sa pagdinig sa Senado, kinuwestiyon ng mga senador si Napeñas kung sino ang nagbigay sa kanya ng utos para ituloy ang operasyon.
Sinabi naman ni Napeñas na siya ang mismong humahawak at nag-uutos tungkol sa operasyon base na rin sa mga naunang pakikipag-usap niya kay dating Police Director General Alan Purisima na suspendido noong isagawa ang operasyon.
Inihayag ni Napeñas na noong Enero 19 ay nakatanggap siya ng text mula kay Purisima na nagtatanong kung ano na ang plano.
Kinumpirma umano ni Napeñas na susundin ang “time line” kaugnay sa gagawing operasyon sa pagitan ng Enero 23 hanggang 26 na tinawag na “Oplan Exodus”.
Pero idinagdag rin nito na wala siyang natanggap na direct order sa mismong araw na gawin ang operasyon at ibinase niya ang kanyang aksiyon sa naunang inaprubahang utos ni Purisima noong Nobyembre 29, 2014.
Nilinaw rin ni Napeñas na hindi siya inutusan ni Purisima at nagbigay lamang ito ng mahalagang impormasyon sa pamamagitan ng text messages.
Nang kuwestiyunin ni Senador Antonio Trillanes IV kung bakit hindi ito nagreport kay PNP officer-in-charge Leonardo Espina bilang pinuno ng PNP, sinabi ni Napeñas na “judgement call” sa kanyang panig ang pakikipag-usap kay Purisima at hindi sa OIC ng PNP.
Nagdesisyon rin umano si Napeñas na hindi na sabihin ang operasyon kina Espina at Interior Secretary Mar Roxas dahil naniniwala siyang si Purisma ang “focal person” na madalas kinokonsulta ni Pangulong Benigno Aquino.
“Ipinapakita ng katotohanan na, kapag nagpiprisinta kami ng mission update, lagi siyang kinokonsulta ng Presidente,” katwiran ni Napeñas.
Pero lumabas rin sa pagdinig na bago mangyari ang operasyon na, sa isang pag-uusap, sinabihan ni Purisima si Napeñas na huwag munang sasabihin kina Roxas at Espina ang tungkol sa paglusob sa Mamasapano.
“Huwag mo munang sabihin sa dalawa. Saka na kapag nandoon na. Ako na ang bahala kay Catapang (AFP Chief of Staff Lieutenant General Gregorio Pio Catapang),” sinabi umano ni Purisima kay Napeñas.
Inihayag rin ni Napeñas na hindi naman niya ipinalagay na isang utos ang sinabi ni Purisima kung hindi isang suhestiyon lamang.
Inihayag pa ni Napeñas sa komite na si Police chief Supt. Noel Delos Reyes ang makakapagsabi kung papaano nakatakas si Marwan. Nasundan ang operasyon laban kay Marwan noong Abril 25, 2014 sa Mamasapano na tinawag na “Oplan Wolverine” pero hindi ito natuloy matapos umatras ang 6ID ng Philippine Army sa kanilang pangako na magbibigay ng Mechanized Brigade units.
Ang concept umano ng nasabing operasyon ay inaprubahan ni dating Police Director General Alan Purisima sa isang executive session sa national headquarters ng PNP sa Camp Crame kung saan naroon rin sa meeting ang Pangulong Aquino, Roxas, at Delos Reyes.
Isa pa umanong operasyon ang inilunsad noong Mayo 30, 2014 pero hindi rin ito itinuloy dahil sa “heavy armed group” sa target area. Noon umanong Disyembre 23, 2014, sinimulan ang Mission Planning Group para ituloy ang operasyon laban sa mga terorista.
- Latest