Ex-PNP chief Gen. Razon, 2 pa ‘di pinayagang magpiyansa
MANILA, Philippines - Inisnab ng Sandiganbayan 4th division ang bail plea ni dating PNP Chief Director General Avelino Razon upang makapagpiyansa matapos makakita ng matibay na ebidensiya ang graft court na nagdidiin dito sa kasong 4 counts ng malversation at falsification of public documents.
Ito ay may kinalaman sa umano’y maanomalyang kontrata para sa repair at refurbishing ng 28 V-150 armored personnel carriers na kinapapalooban ng P385.5 milyong halaga.
Si Razon na kauna-unahang PNP Chief na nakasuhan ng graft ay naakusahang nakipagkutsabahan sa pag-aaward ng proyekto sa isang pribadong contractor para sa naturang mga armored vehicles.
Kasama ni Razon na hindi pinayagang makapagpiyansa sina dating PNP Directors Geary Barias at Eliseo dela Paz.
Sa 50-pahinang resolusyon na naipalabas ng Sandiganbayan, inaprubahan naman ang motion to bail ng kapwa akusado ni Razon na sina dating Police Deputy Director Generals Reynaldo Varilla at Charlemagne Alejandrino dahilan sa hindi malakas ang kaso na nagdidiin sa mga ito.
Si Razon at limang iba pang opisyal ng PNP ay nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame matapos ipag-utos ng korte ang pag-aresto sa mga ito noong August 2013.
- Latest