Bata ni Mar itatalaga sa Comelec – UNA
MANILA, Philippines – Kinastigo kahapon ni United Nationalist Alliance (UNA) Interim President Toby Tiangco ang umano’y paggapang ng makaadministrasyong Liberal Party para maitalaga sa Commission on Election ang personal na abogado ni DILG Sec. Mar Roxas.
Tinutukoy ni Tiangco si Joe Nathan Tenefrancia na isang election lawyer ni Roxas at sinasabing itatalaga ng Malacañang para ipalit kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. na nagretiro na kamakalawa.
Kasabay ni Brillantes sa pagreretiro sina Commissioners Lucenito Tagle at Elias Yusoph. Ang mababakante nilang puwesto ay kailangang punuan ni Pangulong Aquino.
“Sa madaling-sabi, merong bentahe ang makaadministrasyong partido. Para sa halalan sa 2016, lahat ng magiging pitong komisyuner ng Comelec ay mga PNoy appointees sa pangunguna ng mga Mar die-hard. Makakaasa ba tayo ng malinis at tapat na halalan sa 2016?” tanong ni Tiangco.
Hinamon naman ng UNA si Roxas na linawin ang kanyang papel sa pagtatalaga kay Tenefrancia sa Comelec na nakikitang kaibigang kaalyado kapag naging tagapangulo ng komisyon.
Ipinahiwatig din ni Tiangco na tulad din ito ng tangka ng LP na italaga ang kanilang mga kaibigan sa Comelec noong 2013 nang i-lobby ni Senador Franklin Drilon ang pagtatalaga kay Macabangkit Lanto bilang Comelec commissioner.
Ayon sa UNA, si Tenefrancia ay isa sa mga brightboys ng The Firm ni Atty. Nonong Cruz na managing partner ng Cruz Marcelo Tenefrancia (CMT) na kumalas sa Villaraza Cruz Marcelo & Angangco Law Offices (CVC Law). Dating senior partner ng CVC Law si Tenefrancia.
Nagtrabaho rin dati sa Malacañang si Tenefrancia noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo at isa rin siya sa mga prosecutors sa kasong plunder noon laban kay dating Pangulong Joseph Estrada.
Binanggit pa ni Tiangco na si Tenefrancia rin ang deputy national coordinator ng Aquino-Roxas Bantay Balota (ARBB) na binuo para bantayan ang mga boto nina Aquino at Roxas noong 2010 national elections. Si Tenefrancia rin ang abogado ni Roxas sa election protest nito laban sa pagkakapanalo ng ngayon ay Vice Pres. Jejomar Binay noong 2010.
- Latest