Sigaw ng mga naulila ng SAF ‘Justice muna bago peace talk!’
MANILA, Philippines - Nagkakaisa ang mga naulila ng mga nasawing 44 PNP-Special Action Force (SAF) sa paghingi ng hustisya sa sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay sa kamay ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Ayon kay Virgie Viernes, biyuda ng isa sa mga nasawing pulis, napakasakit sa kaniya na ang PNP-SAF commandos pa ang sisihin ng gobyerno partikular na si Pangulong Aquino sa kawalan umano ng koordinasyon sa MILF na nagresulta sa pagkalagas ng malaking puwersa ng PNP sa isang operasyon lang.
“Nagsakripisyo ang asawa ko, namatay para sa misyon na yan, bakit sila pa ng kanilang mga kasamahan ang nasisisi,” umiiyak na hinagpis ng ginang.
Sabi naman ng isang ginang na tumangging magpabanggit ng pangalan, kitang-kita ang pagkiling ni PNoy sa mga kalaban ng estado sa pagsasabing tuloy ang peace talks sa MILF sa halip na bigyang hustisya muna ang sinapit ng mga napaslang na commandos.
“Sana justice na muna bago yang peace talks na yan, the MILF wants power, it’s the rule of gun for them and not the rule of law,” himutok ng ginang na taga Cordillera Region.
“The President must show a tougher stand, sana man lang kinondena nya yung incident instead of putting the blame to the PNP-SAF commandos, alang kuwenta yung statement niya, he’s a weak leader, pinasurender nya dapat yung mga perpetrators at saka yung mga baril na kinuha nila,” wika nito habang lumuluha.
Nagdaramdam rin ang mga ito sa umano’y kawalan ng pakikisimpatiya ni PNoy sa kanilang mga naulilang pamilya matapos nitong isnabin ang arrival honors kahapon sa Villamor Airbase sa mga nasawing SAF commandos.
Maging ang mga pulis sa Metro Manila at sa mga rehiyon ay naglagay na rin ng kulay itim na laso sa kanilang mga tsapa at mga braso bilang pagluluksa sa pagkamatay ng mga kabaro.
- Latest