Anti-Stalker Act isinulong ni Miriam
MANILA, Philippines – Nais ni Senator Miriam Defensor-Santiago na gawing krimen ang ‘stalking’ at patawan ng parusa ang mga mahilig makialam sa buhay ng ibang tao.
Sa Senate Bill 2552 ni Santiago, sinabi nito na karapatan ng lahat ng mamamayan na magkaroon ng privacy at huwag pakialaman ng sinuman sa kanilang mga ginagawa.
Sa Article 26 ng Civil Code, nakasaad na dapat irespeto ng lahat ang dignidad, personalidad, privacy at peace of mind ng kanilang kapitbahay at ng lahat ng mamamayan.
Sa kasalukuyang panahon aniya ay napakadali ng i-violate ang karapatan ng bawat isa na magkaroon ng privacy dahil na rin sa mga makabagong teknolohiya at pagsulputan ng mga social networking sites.
Madali na rin aniya na maglagay ng mga hidden cameras at microphones at magsagawa ng remote phone tapping.
Paliwanag nito na ang ‘stalking’ ay ang panggugulo, pananakot at pakikialam sa pribadong buhay ng isang tao.
Sa ngayon ay wala aniyang malinaw na batas na magpaparusa sa pakikialam sa buhay ng isang tao o stalking.
Sa panukala ni Santiago, parusang arresto mayor at multang P1,000 hanggang P5,000 sa sinumang mapaparusahan sa stalking.
Kabilang din sa maituturing na ‘stalking’ ang mga unsolicited telephone calls, paulit-ulit na komunikasyon pero hindi naman nagpapakilala ang caller; paggamit ng offensively course language; paulit-ulit na pagbisita sa bahay at tanggapan ng biktima upang ito ay subaybayan.
- Latest