Bangsa Law ibasura! - Cayetano
MANILA, Philippines – Dahil sa kawalang sinseridad ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pagtatamo ng kapayapaan sa Mindanao, sinabi kahapon ni Sen. Alan Peter Cayetano na makabubuting ibasura na lang ang Bangsamoro Basic Law (BBL).
Binigyang diin ni Cayetano na “hindi kapayapaan kundi kapangyarihan lang ang tanging hangad ng MILF” kasabay ng pagbawi niya sa kanyang pirma sa panukalang batas.
Mariing kinondena ni Cayetano ang sinasabing “misencounter” na idinadahilan ng MILF sa pagpatay ng isang paksyon nito ng 44 na miyembro ng PNP-SAF noong nakaraang Linggo, dahilan upang bawiin ng senador and kanyang pirma at suporta sa nakabinbing BBL sa Senado at Kamara.
“Unang una, we can never condone murder. Pangalawa, the government cannot negotiate from a point of weakness. Ang gobyerno ay gobyerno pa rin. Meron tayong Constitution, may batas tayo,” ani Cayetano.
“Hindi ko makita ang logic na itutuloy natin ang Bangsamoro Basic Law na bibigyan sila ng mas maraming kapangyarihan kung ang parang lumalabas, hindi peace ang kailangan nila, kung hindi power.”
Anang senador, dapat igalang ng MILF ang rule of law at hinding hindi ito mawawala kahit maisabatas ang BBL.
“Sa BBL kasi, may sarili silang pulis, may sarili silang Napolcom. Nakalagay lang under PNP. So kung in the future, magre-raid ang NBI, ang PNP sa droga o terorista, ima-massacre din nila ang mga taga-NBI o taga-PNP, at ang sasabihin lang nila, hindi kayo nag-coordinate?” ani Cayetano.
“So anong klaseng peace agreement ang gagawin natin? Ibigay na lang natin sa kanila ang Mindanao kung ganyan ang gusto nila.”
Nagsumite na ng sulat si Cayetano na patunay ng kanyang pagbawi ng co-authorship nya sa BBL.
“Right now, hindi ko nakikita na peace talaga ang hinahanap nila. Absolute power over the territory and complete disregard of our laws ang nakikita ko. So bakit ako boboto for it kung ganyan?”
Sabi pa ni Cayetano na kailangang ipakita ng MILF na gusto rin nila ng hustisya sa pulis at nililinis ang sarili nilang ranggo at hinahabol ang BIFF. “Pero ang lumalabas, ang BIFF, parang BFF din, parang best friend forever din ng MILF rather than kalaban.”
“Ipakita nila na sinsero sila. Sila ang mag-ayos ng sarili nilang ranggo, ilabas nila ang sarili nilang criminal. Ilabas nila ang namatay, ilabas nila ang terorista,” pahayag pa ni Cayetano.
- Latest