Pinagbibitiw si Soliman… DSWD sinugod ng mga protesters
MANILA, Philippines – Galit na galit na sinugod kahapon ng ibat ibang militanteng grupo ang tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang hilingin ang pagbibitiw ni Secretary Dinky Soliman.
Bukod dito, ipinarating ng mga grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap, Gabriela at Salinlahi, sa DSWD ang kanilang pagkondena sa magastos na pagtatago ng ahensya sa mahigit 500 palaboy sa isang resort sa Batangas.
Sa kanilang protesta ay dala-dala ng mga protesters ang isang kariton na anilay simbolo na ngayon ng tulugan ng isang maralitang walang sariling bahay.
Anila, kung hindi na kaya ni Soliman na gampanan ang tamang pagseserbisyo sa taumbayan ay mas mainam na magbitiw na lamang ito sa kanyang tungkulin. Dapat rin tablan si Soliman sa sinabi ng Santo Papa na laganap ang korapsiyon sa bansa kayat marami ang mahihirap.
Ikinagalit din ng naturang mga grupo ang anilay sobrang daming tulong na nakuha ng gobyerno mula sa ibat ibang bansa pero hanggang sa ngayon ay marami pa ring Yolanda victims ang nananatiling nakatira sa mga barung-barong at tent.
- Latest