Ex-solon, DOTC officials kakasuhan ng kriminal ng Ombudsman
MANILA, Philippines – Sasampahan ng kasong criminal ng Office of the Ombudsman si dating Iloilo 2nd District Representative Judy Syjuco at ilang matataas na opisyal ng Department of Transportation and Communications (DOTC) kaugnay sa umano’y maanomalyang pagbili ng 1,528 units ng Nokia 1100 na nagkakahalaga ng P6,248,900 noong Disyembre 2004.
Kasong Malversation at paglabag sa section 3(e) ng Republic Act (R.A.) No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) ang isasampa laban kina DOTC Bids and Awards Committee (BAC) Chairman Domingo Reyes, Jr., BAC Vice-Chairman Elmer Soneja at BAC members Director Rebecca Cacatian, Director Ildefonso Patdu, Jr., Legal Officer Geronimo Quintos at Director Venancio Santidad gayundin si DOTC Inspector Marcelo Desiderio, Jr., DOTC Technical Inspector Danilo Dela Rosa at private respondent Domingo Samuel Jonathan Ng, may ari ng West Island Beverages Distributor (West Island).
Napatunayan ng Ombudsman na ang mga nabanggit ay nagkutsabahan lang dahil nabigo ang West Island na makapagpakita ng certificate of exclusivity, hindi rin otorisadong supplier ng cell phones kundi distributor lang ng Smart Value Credits o Smartload sa ilalim ng Marketing Distributorship Agreement.
Hindi rin umano nakita ang 1,528 cell phones dahil hindi naman ito naipadala sa benepisyaryo nito sa walong bayan ng 2nd District ng Iloilo.
Pinadidismis din ng Ombudsman sa serbisyo sina Reyes, Soneja, Cacatian, Patdu, Quintos, Santidad, Desiderio at Dela Rosa dahil sangkot ang mga ito sa kasong Grave Misconduct at Serious Dishonesty, kanselado din ang kanilang eligibility, walang makukuhang retirement benefits, hindi na maaaring humawak ng anumang puwesto sa gobyerno at hindi maaaring kumuha ng civil service examinations.
- Latest