Kill plot kay Pope Francis totoo
MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng Malacañang at Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na nakatanggap ito ng impormasyon tungkol sa tangka umanong asasinasyon kay Pope Francis noong dumalaw ito sa bansa sa loob ng limang araw.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, naiparating sa Palasyo ang “unverified information” na may magtatangka sa buhay ng Santo Papa habang ito ay nasa Pilipinas.
“We were able to speak to those in the security establishments on that and I was told that they were aware of that particular piece of unverified information that was passed on,” ani Valte.
Kahit pa “unverified” ang impormasyon at wala ring detalye, ipinarating pa rin ito sa Palasyo at ikinonsidera para na rin sa seguridad ni Pope Francis.
Pero itinanggi ni Valte na ito ang dahilan kung bakit pinatay ang signal ng mga cellphones dahil nauna na umano itong napagkasunduan bago pa man natanggap ang tungkol sa posibleng pag-assassinate kay Pope Francis.
Ayon umano sa isang dating military intelligence officer, may dalawang tangkang asasinasyon ang binalak laban kay Pope Francis, isa sa Maynila at isa sa Tacloban, Leyte.
Sinabi umano ng dating opisyal na apat na suspek na may kaugnayan sa al-Qaeda ang nakorner ng mga pulis ng Maynila ilang oras bago ang misa sa Quirino Grandstand noong nakaraang Linggo pero nakatakas ang mga ito ng magkaroon ng komosyon.
Nagpapasalamat naman si CBCP president, Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz sa pamahalaan, partikular na sa mga pulis, dahil ligtas si Pope Francis nang bumisita siya sa Pilipinas noong Enero 15-19.
Ito’y sa kabila nang pagtanggi nitong magsuot ng bulletproof vest at sumakay sa bulletproof popemobile.
Ilang buwan na ang nakakaraan, nagbabala ang Iraqi government na nais ng Islamic State na naghahasik ng terorismo sa Middle East na mapatay si Pope Francis at may batayan umano ang banta sa buhay nito. (Malou Escudero/Doris Borja)
- Latest