Parusa sa plunder pinababago ni Miriam
MANILA, Philippines - Nais ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na amiyendahan ang batas sa plunder upang maisama ang parusang “perpetual absolute disqualification” sa mga nagnanais magkaroon muli ng posisyon sa gobyerno.
Sa kanyang Senate Bill 2568, sinabi ni Santiago na ang public office ay kasing halaga ng ‘public trust’ o tiwala ng publiko at dapat mataas ang pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno sa mga mamamayan.
Pero sa kabila aniya ng pagsisikap ng mga tapat na mamamayan at mga public servants na sugpuin ang korupsiyon napakarami pa ring opisyal ng gobyerno ang nagnanakaw sa kaban ng yaman.
Sa ilalim ng Republic Act 7080, ang plunder ay isinasampa sa mga opisyal at maging empleyado ng gobyerno na pinaniniwalaang nagkamal ng pera ng taumbayan na aabot sa P50,000,000.
Ayon kay Santiago, ang nagnanakaw ng nasabing halaga mula sa kaban ng bayan ay hindi na dapat payagang makabalik sa public office.
Naniniwala rin si Santiago na dapat amiyendahan ang batas upang hindi na makatakbo sa anumang public office ang isang nasentensiyahan ng plunder kahit pa nabigyan ito ng presidential pardon.
Bagaman at hindi binanggit sa panukala ang kaso ni dating Pangulong Joseph Estrada, ito ang unang presidente ng bansa na nahatulan sa kasong plunder pero nabigyan ng pardon at muling nakabalik sa public office at nagsisilbi ngayong mayor ng Maynila.
May mga ulat pa na posibleng tumakbo sa mas mataas na posisyon si Estrada.
- Latest