Mercado humingi ng ‘tongpats’ sa Boy Scouts of the Philippines project
MANILA, Philippines - Sa rebelasyon ng Alphaland Development, Inc. na tinangka ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado na makakuha ng kickback sa kumpanya, nalalantad lang kung anong uri ng imbestigasyon ng Senado ang ginagawa ng mga kalaban sa pulitika ni Vice President Jejomar Binay.
“Malinaw na lokohan na ang nangyayari dahil ang tao na ayon sa Alphaland ay nanghingi ng kickback ang siyang ginagamit na witness para siraan si Binay,” wika ni Vice Presidential Spokesperson for Political Affairs Atty. Rico Paolo Quicho.
Nauna rito, ibinunyag ni Alphaland President Mario Oreta ang umano’y banta ni Mercado kapag nagsalita sila sa pagdinig sa Senado hinggil sa isang transaksyon ng Alphaland at ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) para sa isang proyekto sa Ayala Avenue sa Makati City.
Gayunman, nilinaw ni Oreta na si Mercado at hindi si Vice President Binay ang nakipagnegosasyon sa kontrata ng Alphaland at ng BSP alinsunod sa kanyang kapasidad bilang senior vice president at head ng Asset Management Committee.
“Kayo nga po, alinsunod sa inyong kapasidad, ang pumirma sa kontrata ng Alphaland at ng Boy Scouts, at hindi si Vice President Binay,” harap-harapang sabi umano ni Oreta kay Mercado.
Ipinahiwatig pa anya ng dating vice mayor ang kakukuha nitong mga ‘benepisyo’ sa proyekto.
“Sigurado akong natatandaan ninyo na nagparinig kayo na ilan sa mga benepisyo ay para sa inyo dahil sa pagpayag ninyo na maisagawa ang proyektong ito at nakakatiyak ako na natatandaan ninyo na ipinaliwanag ko sa inyo na ang Alphaland ay isang joint venture company sa Ashmore Group at ang bawat transaksyon ay sinusuring mabuti ng Ashmore,” dagdag ni Oreta.
Taliwas sa deklarasyon ni Mercado, sinabi ni Oreta na ang transaksyon sa Alphaland ay siyang pinakamatagumpay na pamumuhunan ng Boy Scout. Batay anya sa usapan ng Alphaland at ng Boy Scout, kikita ito sa proyekto na merong interest na 15 porsiyento.
“Si Vice Mayor Mercado lahat ng kasalanan n’yang ginawa ay sinisisi nya ngayon kay Vice President Binay. Pero on record iyong presidente ng Alphaland na ang proyektong ito ay naging maayos, hindi sila nanuhol at si Mercado ang humingi ng kickback,” diin ni Quicho. “Sinabi na naman ni Vice Mayor Mercado na meron na naman pong kalokohan pero malinaw na siya ang humingi. Malinaw na malinaw na sinabi ng Alpha Land na ang transaksyon po nila sa Boy Scouts of the Philippines ay maayos, above board at wala hong anomalya.”
- Latest