Basehan sa legal separation palalakasin
MANILA, Philippines – Isinampa kamakailan ng Gabriela Women’s Party sa kongreso ang House Bill 5238 na nagpapalawak sa mga basehan ng legal separation ng mag-asawa.
Isinagawa ng Gabriela ang panukala dahil hindi praktikal at hindi madaling magamit ng mahihirap na kababaihan ang Legal Separation na itinatadhana ng Family Code para sa mga babaeng inaabuso ng asawa.
Sinabi ni GWP Rep. Emmi de Jesus na, bukod sa mabibigyan ng dagdag na proteksyon ng pamahalaan ang kababaihan at kanilang mga anak, makikinabang din ang mga mister sa HB 5238 (An Act Expanding the Grounds for Legal Separation).
Ayon kay de Jesus, ang dalas ng karahasan na isa sa basehan ng paghihiwalay ng mag-asawa ay papalitan ng kung gaano kagrabe o kalubha ang nagawang karahasan.
Nililinaw dito na kasama sa karahasan ang sa financial, economic at seryosong tangka para makagawa ng karahasan laban sa babae at kanyang mga anak.
“Kailangan pa kasing patunayan ang paulit-ulit na karahasan na disbentahe naman sa mga babae dahil napipilitan silang bumalik sa kanilang asawa bago nila hilingin sa korte ang legal separation,” diin ni de Jesus.
- Latest