Problema sa domestic air travel iimbestigahan ng Senado
MANILA, Philippines - Dahil marami ang na-stranded na pasahero sa mga paliparan at pantalan noong nakaraang Kapaskuhan partikular ang mga magbibiyahe sa iba’t ibang probinsiya sa bansa, sisilipin ng Senado ang kasalukuyang kalagayan ng domestic air travel at maritime services sa bansa.
Tinukoy ni Sen. Koko Pimentel ang umano’y napakagulong operasyon ng isang local airline na sa sobrang daming pasahero ay marami ang hindi nakabiyahe at maging ang mga foreign travellers ay naapektuhan dahil na-delay ang flights at marami rin ang nakansela.
Nakaka-alarma na rin aniya ang “overbooking” ng mga shipping at bus firms na nagse-serbisyo gamit ang roll-on-roll-off na Manila-Visayas routes dahil marami ang hindi nakarating sa kanilang mga destinasyon sa tamang oras.
Hiniling ni Pimentel sa Department of Transportation and Communications (DOTC) na magpataw ng mas mabigat na parusa sa mga tiwaling kompanya upang mabigyan ng proteksiyon ang publiko.
Panahon na rin umano para silipin ang mga batas kaugnay sa operasyon ng mga airlines at shipping at bus companies upang maiayon ito sa panahon at sa international standards.
Kinuwestiyon din ni Pimentel ang ginagawang “outsourcing” ng mga ‘ground services’ ng iba’t ibang airline companies dahil nalalagay umano sa alanganin ang seguridad ng mga pasahero.
Naniniwala si Pimentel na ang mga personnel na humahawak ng ground services ng mga airline companies ay dapat nabibigyan ng tamang trainings dahil masyadong sensitibo ang hinahawakan nilang flight operations.
Ayon kay Pimentel may iba namang airline companies ang hindi nakaranas ng problema noong nakaraang holiday sa kabila ng heavy schedule at diumano’y congested o sobrang sikip na paliparan.
- Latest