Garin itatalaga na ni PNoy bilang DOH sec.
ROMBLON, Romblon, Philippines -- Gagawin nang permanenteng kalihim ng Department of Health (DOH) si acting Secretary Janette Garin.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa isang media interview na pormalidad na lamang ang kailangan para maitalaga na si Garin.
Ayon sa Pangulo, wala siyang reklamo sa trabaho ni Garin at kuntento naman siya rito bilang acting secretary ng DOH matapos magbakasyon at tuluyang nagbitiw sa puwesto si dating Health Sec. Enrique Ona.
Aniya, prayoridad lamang sa kasalukuyan ang paghahanda sa pagbisita ng Santo Papa sa susunod na linggo saka nito aasikasuhin ang pagtatalaga ng DOH chief.
Unang nag-leave si Ona matapos pagbakasyunin mismo ni PNoy para ipaliwanag ang umano’y maanomalyang pagbili sa P833 milyong halaga ng bakuna kontra pneumonia. Kinaulana’y naghain din ng resignation si Ona na tinanggap naman ng Pangulo.
Batay naman sa inisyal na imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), hindi masasabing maanomalya ang pagbili ng bakuna ng DOH dahil napunta naman ito sa kinauukulan.
Si Garin ay miyembro ng Liberal Party (LP) na partido rin ni Aquino.
- Latest