K9 dogs idedeploy
MANILA, Philippines - Magdedeploy ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng 54 bomb sniffing K9 dogs upang tiyakin ang seguridad sa pagbisita sa bansa ni Pope Francis sa susunod na linggo.
Ayon kay AFP spokesman Col. Restituto Padilla, magpapakalat ang militar ng 32 K9 dogs sa Metro Manila sa mga lugar na bibisitahin ni Pope at 22 naman sa Leyte.
Maglalagay din ng 100 snipers mula sa elite Special Operations Command (SOCOM) sa mga matataas na gusali sa kahabaan ng Roxas Boulevard at Quirino grandstand na tutunguhin ng Santo Papa.
Ang PNP ay magdedeploy ng 25,000 pulis habang ang AFP ay 10,000 sundalo at 7,000 reservist.
Sinabi naman ni AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Catapang Jr., na handang-handa na ang tropa ng militar upang bantayan ang lahat ng venue na tutunguhin ni Pope Francis sa lungsod ng Maynila at maging sa Palo at Tacloban City sa Leyte mula Enero 15 hanggang 19.
Ang Presidential Security Group (PSG) ang magsisilbing close-in security ni Pope Francis.
Nakatakdang isailalim ng AFP ang tropa nito sa red alert status sa bukas (Enero 10) habang ang PNP ay sa darating na Lunes para sa pagbisita ng Papa na ngayon pa lamang ay pinananabikan na ng sambayang Pilipino.
- Latest