PNP full alert sa Papal visit
MANILA, Philippines – Umpisa sa Lunes, Enero 12 isasailalim na sa full alert status ang 150,000 puwersa ng Philippine National Police (PNP) upang matiyak ang seguridad ng milyong deboto kaugnay ng napipintong pagbisita ni Pope Francis sa bansa.
Sinabi ni PNP Officer in Charge P/Deputy Director General Leonardo Espina, nakalatag na ang lahat ng security measure sa pagbisita ni Pope Francis mula Enero 15-19.
Todo alerto ang PNP sa Quirino grandstand sa Luneta, Manila Cathedral, Mall of Asia, UST at maging sa iba pang venue na tutunguhin ng Santo Papa.
Ang PNP ay magdedeploy ng 25,000 pulis habang 7,000 sundalo sa AFP bukod pa ang nasa 5,000 reservists ng tropa ng militar.
Sinabi ni Espina na lahat ng posibleng scenario na maaring mangyari sa pagbisita ng Santo Papa ay kanilang ikinokonsidera at pinaghahandaan.
Iginiit ni Espina na bagaman wala silang natatanggap na banta sa seguridad ng Papa ay mas mabuti na ang nakahanda sa lahat ng oras.
Ang Papa ay nakatakda ring bumisita sa mga survivors ng supertyphoon Yolanda sa Tacloban City at Palo, Leyte.
- Latest