Recall sa Puerto Princesa tuloy
MANILA, Philippines – Nanindigan ang Commission on Elections (Comelec) en banc na walang dahilan upang hindi matuloy ang recall elections sa mayorship ng Puerto Princesa City kasabay ng pagbasura sa mosyon ni Mayor Lucilo Bayron.
Sa botong 6-0 ng Comelec en banc ay naniniwala ang poll body na mayroong sufficiency ang inihaing recall petition laban kay Mayor Bayron.
Kinatigan ng Comelec en banc ang resolution 9864 ng Office of the Deputy Executive Director for Operations (ODEDO) na nagrerekomendang magsagawa ng recall elections sa Puerto Princesa City.
Inilabas ang desisyong ito ng Comelec noong Disyembre 29, 2014 kung saan ay bumotong dapat isagawa ang recall elections sa Puerto Princesa City sina Comelec chairman Sixto Brillantes Jr., Commissioners Lucenito Tagle, Elias R. Yusoph, Christian Roberto S. Lim, Luie Tito Guia, at Arthur D. Lim habang hindi naman nakaboto si Commissioner Al A. Parreño.
Ang naghain ng recall petition laban kay Mayor Bayron ay ang local broadcast journalist na si Alroben Goh na ang basehan ay ang lost of confidence sa liderato ng alkalde kung saan ay sinuportahan naman ang petisyon ng 34, 666 registered voters dito na 15 percent ng kabuuang voting population ng Puerto Princesa.
- Latest