Matatandang preso lalaya
MANILA, Philippines – Inaasahang ihahayag ni Pangulong Noynoy Aquino ang mga pangalan ng mga bilanggong mabibigyan ng pardon bago dumating ang Santo Papa.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, isusumite niya sa Pangulo ang listahan ng mga “aged” at “seriously ill” inmates sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa para sa pardon o pagpapalaya sa mga ito kasabay ng pagbisita ni Pope Francis. Aniya, hinihintay na lamang niya na isumite ng Bureau of Corrections (BuCor) ang listahan ng mga inmates na nag-apply para sa executive clemency.
Sinabi ni de Lima na balak ng Pangulong Aquino na bigyan ng executive clemency ang mga karapat-dapat na inmates bilang regalo sa Santo Papa.
Gayunman, hindi pa pinangalanan ang mga preso na ikinukonsidera para mabigyan ng pardon at kung kasali rin dito ang high-profile inmates.
Nobyembre 27, 2014 ay inirekomenda ng Board of Pardons and Parole (BPP) ang 47 inmates para sa executive clemency ngunit naantala ang desisyon hanggang mag-Pasko.
Una rito, hiniling ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na bigyan ng Pangulo ang mga inmates ng clemency lalo na ang mga presong visitorless, indigent, may iniindang karamdaman, mga matatanda na at iniwan ng mga pamilya.
Ang Executive clemency ay isang kapangyarihan na ibinibigay sa Pangulo para bigyan ng pardon ang sinumang detainee sa ilalim ng Article VII, Section 19 ng Philippine Constitution.
- Latest