Presyo ng petrolyo muling tinapyasan
MANILA, Philippines – Matapos makatanggap ng pagkastigo mula sa ilang militanteng grupo, muling nagpatupad ng rolbak sa presyo ng petrolyo ang ilang kumpanya ng langis sa bansa umpisa ngayong Lunes ng madaling araw.
Sa anunsyong inilabas kahapon, sinabi ng Petron Corporation na magtatapyas sila dakong alas-12:01 ng madaling araw ng P.95 kada litro ng premium at unleaded gasoline, P.80 sa kada litro ng diesel, at P1.25 sa kada litro ng kerosene.
Kasunod rin namang naglabas ng anunsyo ng rollback ang Phoenix Petroleum at PTT. Sa anunsyo ng Phoenix, P.95 rin kada litro ang tatapyasin nila sa regular, unleaded at premium gasoline habang P.80 rin sa kada litro ng diesel. Kahalintulad na presyo rin naman ang tatapyasin ng PTT sa produkto nilang gasolina at diesel.
Wala pa namang pahayag ang iba pang kumpanya ng langis sa bansa ngunit inaasahan na susunod rin ang mga ito sa panibagong galaw sa presyo ng petrolyo na umano’y dikta pa rin ng internasyunal na merkado.
Matatandaan na tinuligsa ng grupong Bayan Muna ang mga kumpanya ng langis at ang Department of Energy nang magpatupad ng dagdag-presyo sa petrolyo noong Disyembre 30. Sinabi ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na hindi makatarungan ang ginawang dagdag-presyo dahil sa patuloy ang pagbulusok sa presyo ng krudo sa internasyunal na merkado.
- Latest