4 pulis tiklo sa indiscriminate firing
MANILA, Philippines - Apat na pulis ang naaresto matapos na masangkot sa illegal discharge of firearms kaugnay ng pagsalubong sa Bagong Taon, ayon sa opisyal kahapon.
Ito’y sa kabila ng mahigpit na babala ni PNP Officer in Charge P/Deputy Director Leonardo Espina sa mga pulis na bawal ang magpaputok ng baril sa pagsalubong sa tradisyunal na selebrasyon ng pagpapalit ng taon.
Sinabi ni Espina na papatawan ng kaukulang kaparusahan ang apat na pulis, tatlo rito ay miyembro ng National Capital Region Police Office at isa naman mula sa Region XI. Kung mapatunayang guilty masisibak ang mga ito sa serbisyo.
“They will be charged with administrative and criminal charges. If found guilty, they will be dismissed from the service,” ani Espina na nauna nang pinaalalahanan ang 150,000 malakas na puwersa ng PNP na huwag magpaputok ng baril sa nasabing okasyon upang maiwasan ang mga biktima ng stray bullets.
Noong Disyembre 22, pinangunahan ni Espina ang pagseselyo sa puluhan ng mga baril ng kapulisan sa PNP Headquarters sa Camp Crame na isinagawa sa buong bansa.
Pinangunahan ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, Chief ng PNP Logistic Support Services ang pagtatanggal ng tape sa dulo ng baril ng mga pulis.
Isa sa mga pulis na nalagay sa balag ng alanganin ay si PO2 Romel Mitra ng Quezon City Police Station 6 sa Batasan Hills matapos na magpaputok ng baril noong Disyembre 28 sa Novaliches, Quezon City.
Ang nasabing pulis ay isinasailalim na sa imbestigasyon sa kasong administratibo at kriminal matapos na masibak sa puwesto.
Ayon naman kay P/Chief Supt. Wilben Mayor, chief ng Public Information Office, ang apat na pulis ay agad na dinisarmahan at sinibak sa puwesto.
Samantala, umaabot na sa 31 ang biktima ng stray bullet sa pagsalubong sa Bagong Taon kabilang ang isang 11-anyos na batang babae na namatay sa bayan ng Tayum, Abra. (Joy Cantos)
- Latest