NBI jailguards sinisiyasat sa P.7-M sa basurahan
MANILA, Philippines - Iniutos ni National Bureau of Investigation (NBI) director Virgilio Mendez na imbestigahan ang mga jailguards ng NBI dahil sa pagkakadiskubre sa may P700,000 cash at apat mobile phone na naipuslit ng apat na inmates na inilipat sa kanilang detention cell mula sa New Bilibib Prison (NBP) sa Muntinlupa.
Sinabi ni Mendez na kailangang matukoy ang nasabing pagpupuslit at kung may kasabwat ang mga inmates sa loob ng NBI o sa Bureau of Corrections (BuCor) matapos na madiskubre ang pera at mga cellphone noong Lunes.
Nakapagtataka aniya, na sa kabila ng mahigpit na pagbabawal sa mga dalaw ng mga inmates, maging kaanak o kanilang abogado, ay nakalusot pa rin ang mga nasamsam na cash at cellphones, na nadiskubreng nakalagay sa mga garbage bin at toilet tanks.
Wala umanong gustong umamin kung kanino ang nasabing pera nang isagawa ang inspeksiyon sa NBI detention cell ng 19 na inmates na pawang galing sa NBP. Gayunman, nitong Miyerkules ay inamin na umano nina Herbert Colangco, convicted sa robbery; Imam Boratong, Michael Ong at Vicenty Sy, pawang convicted sa drugs case, na kanila ang nasabing pera.
Nagsagawa umano ng inspeksyon ang NBI nang matunugan na may nagtatangkang magsuhol sa mga jailguards ng NBI mula sa nasabing inmates.
Maaari din umanong mula sa NBP ay nakapagtago ng cash at cellphones ang mga inmates, na hindi hinigpitan ang pagrikisa sa kanilang katawan nang sila ay ipalipat ni Justice Secretary Leila de Lima kasunod ng sorpresang inspeksiyon noong Disyembre 15. (Ludy Bermudo)
- Latest