Sa mga sundalong magpapaputok ng baril sa Bagong Taon Court martial nakaamba
MANILA, Philippines – Posibleng maharap sa court martial ang sinumang sundalong masasangkot sa pagpapaputok ng baril at paggamit ng mga ipinagbabawal na paputok lalo na kapag may nabiktimang mga inosenteng sibilyan kaugnay ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Ito’y kasunod ng utos ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr. na bawal magpaputok ng baril ang mga sundalo at huwag maging pasaway sa pagsisindi ng malalakas na uri ng firecrackers sa tradisyunal na pagpapalit ng taon .
Bago ang pagsalubong sa Bagong Taon ay muling pinaalalahanan ni Catapang ang 125,000 puwersa ng AFP na idaos ng ligtas at mapayapa sa piling ng kanilang mga pamilya ang Bagong Taon sa pamamagitan ng pagsasaya gayundin ng paggamit sa mga paraan na hindi nakamamatay at hindi nakapipinsala.
Kabilang dito ay ang pagpapatugtog ng masasayang musika, pagsasayawan, pagtuturutot, paghahagis ng mga barya, pagkalembang ng mga kampana, pagpito at pagsisindi ng fireworks sa halip na mga paputok.
Sa ilalim ng Articles of War, ang sinumang masangkot sa indiscriminate firing ay maaaring litisin sa Court Martial na posibleng magresulta sa demosyon ng mga sundalo at pagkakadismis sa serbisyo.
Ang AFP ay hindi nagselyo ng dulo ng mga baril taliwas sa isinagawang pagseselyo ng dulo ng mga service firearms ng Philippine National Police (PNP) na ipinatupad sa bansa.
Sa panig naman ng PNP, sinabi ni Chief Supt. Wilben Mayor, Chief ng Public Information Office na mahigpit rin ang kanilang babala sa kanilang mga tauhan na huwag magpaputok ng baril sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay Mayor, sinumang mga pulis na masasangkot sa indiscriminate firing ay kaagad na isasailalim sa masusing imbestigasyon at tiniyak na mapaparusahan.
- Latest