P1-B pondo sa fire truck, ipaliwanag
MANILA, Philippines - Kinuwestiyon ni LPGMA partylist Rep. Arnel Ty ang Department of Interior and Local Government (DILG) kung saan na napunta ang P1 bilyon inilaan ng Kongreso para sa pagbili ng mga bagong truck ng bumbero.
Sinabi ni Ty, na 117 unit ng firetrucks ang dapat na mabibili sa naturang halaga sa ilalim ng modernization program ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Subalit palaisipan na umano kung nabili ang mga firetrucks na ito dahil hindi naman nakikitang nagreresponde sa mga insidente ng sunog.
Dahil dito, hiniling ni Ty sa DILG na isapubliko ang listahan ng mga lungsod at munisipalidad na nakatanggap ng bagong firetruck.
Mahalaga umanong maliwanagan ito ngayong malaki na naman ang pangangailangan sa firetrucks dahil sa pagsalubong sa Bagong taon.
Ang BFP ay nagtaas na ng alerto dahil karaniwang madalas ang sunog sa pagsalubong ng Bagong Taon bunga ng mga paputok.
- Latest