P-Noy sa publiko: Huwag nang magpaputok
MANILA, Philippines - Mismong ang Pangulong Benigno Aquino III na ang umapela sa publiko na iwasan na ang pagpapaputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa New Year’s message ng Pangulong Aquino sa mga Filipino sa pagsalubong sa 2015 nakasaad ang: “Mga Boss may pakiusap sana ako sa inyo. Sana naman iwasan na natin ang pagpapaputok ngayong Bagong Taon. Isipin natin ang naidudulot nito sa ating kapwa at kapaligiran. Nariyan ang kalat at makapal na usok na nagbubungsod ng matinding polusyon pati na ang malalakas na ingay na maaring makapinsala sa pandinig ng iba,” wika pa ng Pangulo sa kanyang mensahe sa sambayanang Filipino.
Aniya, ang paggamit ng ipinagbabawal na paputok ay nagdudulot din ng peligro sa ating mga kababayan na kung tutuusin ay hindi naman kailangan.
Mas makabubuti umano kung pagtutuunan na lamang ng atensyon ang mga mahal sa buhay dahil ito ang dahilan ng pasasalamat.
Ipinagmalaki din ni Pangulong Aquino ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa loob ng 2014 at ang maayos na paghahanda ng gobyerno sa bagyong Ruby kaya hindi ito nakapaminsala ng maraming buhay.
Tiwala ang pangulo na nagampanan niya at naibigay ng kanyang administrasyon ang sapat na ayuda sa mga nangangailangan gayundin ang mga kanyang pasasalamat sa mga front-liner, first-responder, volunteer, at katuwang sa pribadong sektor.
- Latest