Pinay ‘for sale’ sa Singapore
MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ni Cagayan de Oro Rep.Rufus Rodriguez sa Kamara ang ulat na inaalok ang mga Pinay na kasambahay sa isang mall sa Singapore na mistulang ordinaryong produkto.
Ayon kay Rep. Ro driguez, nakatanggap siya ng impormasyon na ang Bukit Timah Shopping Center at Katong Shopping Center sa Singapore ay mayroong galleries ng mga dayuhang babaeng manggagawa mula sa mga bansang Pilipinas, Indonesia at Myanmar.
Inaalok umano ang mga ito bilang domestic worker sa Super promo rates o napakamurang halaga lamang.
Ang bawat isa umano sa mga ito ay mayroong katapat na poster kung saan nakasulat ang kanilang katangian at discounted na halaga subalit itinanggi naman umano ng Ministry on Manpower ng Singapore ang nasabing ulat.
Subalit giit ni Rep. Rodriguez, hindi dapat makuntento ang Pilipinas partikular ang Kongreso sa simpleng pasinungaling lamang at sa halip ay kailangan ito ng masusing imbestigasyon.
Bukod dito, nararapat din umanong malaman kung may kasabwat na lokal na manpower agencies sa ganitong aktibidad para mapatawan ito ng mabigat na parusa.
- Latest