Forensic DNA databank sa Pinas isinulong ni Miriam
MANILA, Philippines - Upang mas mapabilis ang pagresolba sa iba’t ibang uri ng krimen, nais ni Senator Miriam Defensor-Santiago na magkaroon ng isang forensic DNA databank sa bansa.
Ipinaliwanag ni Santiago sa kanyang Senate Bill 2497 na sa mga First World na bansa, ang DNA technology ay kinikilala bilang isang mahalagang instrumento sa pagtiyak ng patas na criminal justice system.
Ayon pa kay Santiago maaaring magamit ang nasabing teknolohiya sa pagkilala sa mga potensiyal na suspek kung saan ang DNA nila ay nagma-match sa mga ebidensiya na naiwan sa crime scenes.
Maari rin aniyang magamit ang DNA upang mapawalang sala naman ang mga suspek na napagbintangan lang o kaya ay matiyak ang paternity at relasyon ng isang pamilya.
Kapag naging ganap na batas, ito ay tatawaging Forensic DNA Databank kung saan dito ilalagak ang mga DNA samples, forensic DNA analysis at paggamit ng DNA profiles at iba pang impormasyon na makakatulong sa criminal justice system ng bansa.
Kinikilala aniya ng estado na ang DNA technology ay isang “indispensable tool” para matiyak ang accuracy at fairness ng criminal justice system.
Naniniwala rin si Santiago na mas mapapabilis na ang pagresolba ng krimen kung may mga naka-imbak ng DNA lalo na ng mga palaging nasasangkot sa krimen.
Idinagdag ni Santiago na ang lahat ng mga tao ay may kanya-kanyang DNA o “deoxyribonucleic acid”. Ito ang “chain of molecules” na matatagpuan sa bawat nucleated cell ng katawagn.
“The totality of an individual’s DNA is unique for the individual, except identical twins,” ani Santiago.
- Latest