White House ni Purisima inatake ng sawa
MANILA, Philippines - Tila namamasko ang isang anim na talampakang sawa matapos itong mahulog mula sa puno sa compound ng White House ni suspended PNP Chief Alan Purisima sa Camp Crame, Quezon City.
Ayon sa isang PNP official, ang nasabing sawa na gumulantang sa mga pulis na bantay sa Camp Crame ay tumitimbang ng 15 kilo, may habang anim na talampakan at limang pulgada ang lapad.
Bandang alas-6 ng umaga nitong Biyernes ng mahulog ang sawa mula sa puno ng kaimito malapit sa White House ni Purisima.
“Namamasko yata yung sawa,” pabirong sabi ng opisyal.
Nang matanong naman si PNP spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, sinabi nito na agad hinuli ng mga base policemen sa Crame ang sawa gamit ang man-lifter upang tiyakin na hindi ito magiging panganib.
Posible anyang naghahanap ng makakain ang sawa kaya napadpad sa White House.
Itinurnover na sa kustodya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) – Parks and Wildlife Center ang nahuling sawa.
- Latest