AFP hinimok ang CPP-NPA na talikdan na ang terorismo
MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na nagdaraos ngayon ng ika-26 taon nitong anibersaryo na abandonahin na ang bayolenteng aktibidades para sa katahimikan ng bansa.
Ayon kay Lt. Col. Harold Cabunoc, Chief ng AFP-Public Affairs Office (AFP- PAO) na hindi magkakaroon ng kapayapaan kung magpapatuloy ang paglulunsad ng mga bayolenteng aktibidades ng NPA rebels, ang armed wing ng CPP.
Ang CPP ay nagdiriwang ng ika-46 anibersaryo sa isang lugar sa Sierra Madre kung saan karaniwan ng naglulunsad ng karahasan ang NPA rebels sa tuwing magdaraos ang kanilang grupo ng anibersaryo.
Binigyang diin ni Cabunoc na lubhang nakakalungkot na karaniwan ng biktima ng karahasan ng mga rebelde ay ang mga inosenteng sibilyan.
Tinukoy ng opisyal na sa taong ito lamang ay dalawang insidente ng marahas na pag-atake ang kinasangkutan ng NPA rebels kabilang ang pananambang sa isang ambulansya na ikinasawi ng isa katao habang marami pa ang nasugatan sa Davao del Sur.
Noong Mayo ng taon ay nasangkot sa hostage taking ang mga rebeldeng NPA sa mga sibilyan sa Mabini, Compostela Valley habang marami ring mga sibilyan ang nasugatan sa grenade attack ng NPA rebels sa Masbate noong nakalipas na Nobyembre.
Idinagdag pa ng opisyal na kung ang CPP-NPA rebels ay hihinto na sa paghahasik ng terorismo ay mawawakasan na ang mga karahasan, magkakaroon ng katahimikan at susulong ang pag-unlad sa buong kapuluan.
- Latest