25,000 pulis, iba pang security forces ide-deploy sa Papal Visit
MANILA, Philippines - Upang matiyak ang peace and order, magdedeploy ang Philippine National Police (PNP) ng 25,000 pulis at iba pang security forces sa lahat ng venue kaugnay ng pagbisita sa bansa ni Pope Francis sa Enero ng susunod na taon.
Ito ang inihayag ni Chief Supt. Wilben Mayor, Chief ng PNP Public Information Office (PNP-PIO).
Una rito, maagang ikinasa ng PNP ang seguridad kasunod ng binuong Special Task Force “ Papal Visit 2015” na pinamumunuan ni Director Ricardo Marquez, PNP Directorate for Operations.
Sa ilalim nito ay may dalawang Task Groups para sa lungsod ng Maynila at Leyte bukod pa sa iba pang Subtask Groups.
Ayon kay Mayor, lahat ng venue na tutunguhin at bibisitahin ng Santo Papa ay mahigpit na babantayan ng mga operatiba ng pulisya.
“The PNP is preparing for elaborate security measures for the papal visit as we will provide operational support to the Presidential Security Group and close-in security services to Pope Francis’ entourage,” pahayag ni Mayor sa PNP Press Corps.
Nilinaw naman ng opisyal na ang 25,000 puwersa ng security forces ay hindi lamang manggagaling sa PNP kundi maging sa iba pang law enforcement agencies kabilang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Presidential Security Group (PSG) alinsunod sa ‘joint whole government approach’.
Ang Papa ay nakatakdang bumisita sa bansa mula Enero 15 hanggang 19, 2015 kung saan kabilang sa bibisitahin ni Pope Francis ay ang Tacloban City na grabeng sinalanta ng superbagyong Yolanda noong Nobyembre 8, 2013.
Samantalang 18 government agencies ang magtutulong para sa pagpapatupad ng seguridad, peace and order sa pagbisita ni Pope Francis.
Inihayag naman ni AFP Spokesman Col. Restituto Padilla na handang–handa na rin ang security protocol na ipatutupad ng militar sa pag-ayuda sa puwersa ng pulisya sa pagbabantay sa mga venue na tutunguhin ng Sto. Papa.
Ang mga peacekeepers ng AFP na galing sa Haiti ang naatasang magbigay seguridad sa Sto Papa upang matiyak na magiging matiwasay ito laban sa mga posibleng mag-tangkang manggulo sa okasyon.
Idinagdag pa ng opisyal na bagaman, wala naman silang namo-monitor na banta sa seguridad sa papal visit ay mas mabuti na ang nakahanda sa lahat ng oras.
- Latest