Bagong fire hydrant ng Manila Water sa QC
MANILA, Philippines - Patuloy na nagtatayo ng mga bagong fire hydrants ang Manila Water sa East Zone bilang bahagi ng pangakong matiyak ang kaligtasan sa komunidad kapag may sunog.
Kamakailan lamang ay pinasinayaan ang fire hydrant sa Barangay Culiat, Quezon City bilang bahagi ng pangunahing programang “Tubig Para Sa Baranggay” ng Manila Water.
Inihayag ni Manila Water East Zone Business Operations Group Director Ferdinand dela Cruz na prayoridad ng Manila Water na mapalawak ang pagbibigay ng malinis at maiinom na tubig sa pamamagitan ng pagkabit ng mga bagong linya ng serbisyo ng tubig sa mga residente sa buong nasasakupan nito.
Higit sa 6.3 milyong katao na ang nakikinabang sa programang “Tubig Para Sa Barangay” kabilang na ang serbisyo para sa Barangay Culiat.
Ipinaliwanag din ni dela Cruz na ang pagkakabit ng mga fire hydrant sa isang komunidad ay isang pangunahing bahagi ng bawat programa ng TPSB lalo na sa mga mahihirap na komunidad.
Dumalo sa nasabing pasinaya si Quezon City Rep. Kit Belmonte kasama sina BFP Superintendent Jesus Fernandez, Councilor Roger Juan at Councilor Bobby Castelo.
- Latest