2 kidnaper ng trader, kinasuhan
MANILA, Philippines - Sinampahan na ng kasong kidnapping sa Caloocan City Prosecutor’s Office ang dalawang inaakusahang dumukot sa isang negosyante sa Bulacan at dinala sa isang hotel sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Sinabi ni Caloocan City Police deputy chief, Supt. Ferdinand Del Rosario na sinampahan na nila ng kasong kidnapping sina Jeddiah Cluterio, 28, ng Capitol Viewpark Subdivision, Malolos City, Bulacan, at Albert Rovante, 29, ng Blumentritt cor. Josefina Street, Sampaloc, Maynila.
Nag-ugat ang kaso sa reklamong pagdukot sa biktimang si Allan Brooks.
Sa ulat ng Caloocan Police, nakatanggap sila ng tawag buhat sa mga tauhan ng Victoria Court Hotel sa may Bagong Barrio, ng naturang lungsod at iniulat ang paghingi ng saklolo ng kidnap victim na si Brooks. Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct 1.
Naabutan pa ng mga pulis ang suspek na si Rovante sa loob ng inupahang kuwarto habang mahimbing ang tulog. Nadakip naman ang suspek na si Cluterio sa follow-up operation.
Sa panayam ng PSN, sinabi ng biktimang si Brooks na nakipagkaibigan sa kanya si Cluterio na suki umano niya sa restoran niya sa Malolos, Bulacan. Nalaman din nito na nagba-buy and sell siya ng kotse at may inalok na sasakyan sa kanya.
Nagkita umano sila ng alas-10 ng gabi sa Malolos kung saan dito na siya tinutukan umano ng baril at dinukot gamit mismo ang sarili niyang sasakyan. Dinala siya ng mga suspek sa naturang hotel at kinuha ang kanyang ATM card na naglalaman ng P400,000 na pambili sana niya ng sasakyan. Nagawang makatakas at makahingi ng tulong sa mga tauhan ng hotel ang biktima nang makatulog ang bantay na si Rovante.
- Latest