Pemberton ihaharap sa korte – US envoy
MANILA, Philippines - Tiniyak ng pamahalaang Estados Unidos na kanilang ihaharap sa korte ang akusado sa pagpatay kay Jeffrey “Jennifer” Laude na si US Marine Pfc. Joseph Scott Pemberton.
Ayon kay US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg, makikipagtulungan ang US government sa pamahalaan sa proseso ng paglilitis kay Pemberton.
Sa katunayan aniya malaking bahagi na ng kaso ang mabilis na naresolba dahil sa kooperasyon kabilang ang pagkilala sa suspek, pagkadetine sa Camp Aguinaldo sa dayuhang sundalo, pagtukoy sa mga testigo at pagsumite ng impormasyon at salaysay.
Mahalaga aniya ang rule of law sa pagdinig sa kaso at matitiyak ito kung iisa at tumpak ang interpretasyon ng Visiting Forces Agreement (VFA), ang kasunduang nakakasakop sa akusado, bukod pa sa aplikasyon ng Philippine Law at US Code of Military Justice.
Nilinaw ni Goldberg na sa ilalim ng VFA ang US ang may kustodiya sa isang American serviceman na sangkot sa criminal act at ang Pilipinas ang siyang magre-request dito.
“Nothing in the VFA that says that we request for custody,” dugtong pa ni Goldberg.
At sa kaso ng Laude killing, tinanggihan ng US nitong Miyerkules ang hiling ng Pilipinas na makuha ang kustodiya kay Pemberton.
Anya, hiwalay na usapin ang kustodiya sa hurisdiksyon.
“Jurisdiction is probably exercised in that way through custody under the Philippine Law when youre dealing with a Filipino suspect but you’re not dealing with a Filipino suspect. You’re dealing with an American serviceman who is covered the Visiting Forces Agreement which is also part of the law.”
“It is different than an ordinary case, in terms of the custody and jurisdiction because we’ve dealt with it through the VFA which is part of the Philippine Law.”
Sa kabila nito, sinabi ni Goldberg na kaisa ang US sa paghahanap ng hustisya sa nasabing krimen.
- Latest