Pemberton ‘di isusuko ng US
MANILA, Philippines - Nais ng Estados Unidos na manatili sa kanilang kustodya si US Marine Pfc. Joseph Scott Pemberton na suspek sa pagpatay sa Pinoy transgender na si Jennifer “Jeffrey “ Laude.
Sinabi ni US Ambassador Philip Goldberg na pinadalhan na nila ng notice ang pamahalaan ng Pilipinas hinggil sa kanilang intensiyon na manatili sa kanilang kustodya si Pemberton sa ilalim ng proseso ng batas.
Ito’y matapos mag-isyu na ng warrant of arrest si Olongapo City Regional Trial Court (RTC) Branch 74 Judge Roline Ginez Jabalde laban kay Pemberton.
Sa ilalim ng Phl-US Visiting Forces Agreement (VFA), maaring hilingin ng pamahalaan ng Pilipinas ang kustodya ng US serviceman na nahaharap sa kasong murder. Gayunman, maaring magdesisyon ang gobyerno ng Amerika kung pagbibigyan o ibabasura ang nasabing kahilingan.
Sinabi ni Goldberg na pumayag ang US government na magkaroon ng ‘judicial process’ sa ilalim ng batas ng Pilipinas alinsunod sa VFA.
Sa kasalukuyan, nakadetine si Pemberton sa Mutual Defense Security Board-Security Engagement Board (MDB-SEB), ang pasilidad ng US sa loob ng Camp Aguinaldo kung saan ito dinala noong Oktubre 22.
Sa ilalim ng VFA, ang paglilitis laban kay Pemberton ay tatagal ng isang taon.
- Latest