DFA kumilos sa hostage standoff sa Sydney
MANILA, Philippines - Inaalam ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung may Pilipino na kabilang sa mga hindi pa mabilang na katao na pinipigil ng isang armadong hostage-taker sa isang cafe sa Sydney, Australia kahapon ng umaga.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Charles Jose, nakatutok na ang Philippine Consul General sa Sydney sa kaganapan ng hostage crisis sa loob ng isang cafe sa central business district sa Sydney at nakikipag-ugnayan na sila sa Australian Police para sa pagkakakilanlan ng mga hostages na mga staff at kustomer ng Sydney cafe. Nabatid na dakong alas-9:35 ng umaga nang bihagin ng armadong lalake ang mga nasa loob ng cafe sa hindi pa mabatid na kadahilalan. Limang katao kabilang ang ilang staff ng cafe ang nagawang makatakbo at makalabas sa naturang cafe sa kasagsagan ng hostage taking.
Pinalibutan ng mga awtoridad ang lugar habang nagsasagawa ng negosasyon ang Australian authorities sa pagitan ng hostage-taker upang mapalaya ang mga hostages. Habang sinusulat ang ulat na ito, wala pang impormasyon na may sinaktan sa mga hostages sa nasabing cafe.
- Latest