3 Pinoy patay sa road mishaps sa ME
MANILA, Philippines - Tatlong Pilipino ang nasawi sa magkakahiwalay na insidente ng road accidents sa Gitnang Silangan kamakailan.
Batay sa report ng Gulf News, isang 30 anyos na Pilipinang si Arien Paez ang namatay matapos banggain ng isang kotse habang tumatawid sa isang pedestrian crossing sa Dubai, United Arab Emirates. Isang ina ang biktima na nagtatrabaho sa Blue Lines Shipping. Naganap ang aksidente sa First Al Khali Street malapit sa Jumeirak Lakes Towers nitong Linggo.
Dahil sa tindi ng pagkakabangga, namatay noon din ang Pinay at halos umabot umano ng may 30 metro ang layo ang pagkakatalsik nito habang ang kanyang mga dalang gamit ay nagsikalat sa daan.
Samantala, dalawang Pilipino ang kabilang sa apat katao na nasawi habang pito pa ang malubhang nasugatan nang araruhin sila ng isang pampasaherong bus sa isang istasyon ng bus sa Doha, Qatar noong Biyernes.
Sa ulat na nakarating sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang dalawang Filipino nationals na nasawi ay isang 50-anyos na lalaki at isang 30-anyos, na babae. Kinilala sa ulat ng lokal na pahayagang The Peninsula ang mga nasawing Pilipino na sina Acasar Barabay Arato, lalake, 50, at Marescia Tanaid, 30.
Nag-aabang ng masasakyan ang dalawang Pinoy at iba pang mga pasahero sa Doha Central Bus Station sa Frij Al Ghanim area nang bigla silang banggain ng isang bus na nawalan ng kontrol.
- Latest