Murder isinampa vs Pemberton
MANILA, Philippines - Sinampahan na kahapon ng kasong murder ng Olongapo City Public Prosecutor Office si US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton kaugnay ng pagpatay sa Pinoy transgender na si Jeffrey “ Jennifer “ Laude.
Ayon kay Olongapo City Chief Prosecutor Emilie Delos Santos, nakitaan nila ng aggravating circumstances at probable cause para maiakyat sa korte ang reklamo ng pamilya Laude laban kay Pemberton.
Ang kasong murder ay isang non –bailable offense o walang piyansang kaso.
Si Pemberton ay nakapiit sa detention cell nito sa Mutual Defense Board –Security Engagement Board (MDB-SEB) sa Camp Aguinaldo matapos itong ikostudya dito noong Oktubre 23.
Matapos namang mai-raffle ang kaso laban kay Pemberton ay si Olongapo City Regional Trial Court (RTC) Branch 74 Judge Roline Ginez Jabalde ang hahawak ng paglilitis laban sa akusadong US Marine.
Sa kasalukuyan ay inaabangan na ang pagpapalabas ng warrant of arrest laban kay Pemberton habang ikinatuwa naman ng pamilya Laude ang desisyon ng korte na murder ang isampang kaso.
Inaasahan ng Malacañang ang pakikipagtulungan ng pamahalaan ng United States matapos sampahan ng kasong murder ng prosecutors office ng Olongapo City si PFC Joseph Scott Pemberton kaugnay ng pagkamatay ng transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude. Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na nagpalabas ng pahayag ang Department of Foreign Affairs (DFA) kung saan ay inaasahan ang kooperasyon ng US government kaugnay sa isinampang murder case laban kay Pemberton.
- Latest