Buwis sa softdrink haharangin
MANILA, Philippines – Haharangin ng mga kongresista mula sa Visayas at ng mga miyembro ng industriya ng asukal sa bansa ang panukalang-batas na magpapataw ng ad valorem tax sa mga softdrink at iba pang matatamis na inumin.
Nagbabala si Negros Occidental Rep. Alfredo Benitez na maaapektuhan ng panukalang batas ang kabuhayan ng libu-libong manggagawa sa industriya ng asukal at ng kanilang mga pamilya.
Sinabi ni Benitez na dapat pansinin ni House ways and means committee Chairman at Marikina Rep. Romero Quimbo ang mga hinaing ng mga nasasangkot sa industriya ng asukal.
Sa isa nilang sulat kay Quimbo, sinasabi ng mga sugar industry leader na walang patunay na ang asukal ang nagiging sanhi ng sakit na diabetes at obesity sa mga Pilipino. Karaniwan anilang sanhi ng mga sakit na ito ang sedentary lifestyle at mas maraming kinokonsumong carbohydrate.
Kuwestiyonable rin umano at hindi maiaangkop sa Pilipinas ang mga pag-aaral sa ibang bansa na nagsasaad na merong kaugnayan sa sakit ang pagkonsumo ng asukal.
Maaari umanong kanin, hindi asukal, ang dahilan kaya maraming Pilipino ang nagiging obese at diabetic.
“Madalas, nakakadalawang serving ng kanin ang mga Pilipino at hindi maaaring wala silang matamis na panghimagas o inumin. Hindi patas na sisihin at buwisan ang mga softdrink at carbonated drinks bilang may kagagawan ng obesity at diabetes,” sabi pa ng grupo.
- Latest