Purisima susunod na sa Ombudsman
MANILA, Philippines – Matapos pumalag, tatalima na sa 6 buwang ‘preventive suspension’ si PNP Chief Director General Alan Purisima.
Kasunod ito ng pahayag ni Pangulong Aquino na bagaman hindi pa napapatunayang guilty si Purisima ay dapat na sumunod ito sa ‘preventive suspension’ ng Ombudsman habang nililitis ang kaso.
“It’s the President order, yes he will comply,” sabi ni PNP spokesman Chief Supt. Wilben Mayor.
Una nang kinuwestyon ni Purisima ang ‘suspension order’ na ipinasilbi ng Ombudsman sa DILG sa katwirang ang National Police Commission (Napolcom) ang dapat magsilbi nito.
Hinggil naman sa patuloy na pananatili ni Purisima sa White House, ang official residence ng Chief PNP sa Camp Crame, sinabi ni Mayor na hindi naman si Purisima ang magbibigay ng order sa kapulisan kundi ang Officer in Charge na si Deputy Director General Leonardo Espina.
Nakatakdang magretiro si Purisima sa Nobyembre 16, 2015.
Samantala nagsumite rin ng apela ang mga abogado ni Purisima sa Commission on Appointments (CA) para magpalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa pagkakasuspinde sa kanya.
Si Purisima ay pinatawan ng 6 buwang preventive suspension ng Ombudsman kaugnay ng kuwestiyonableng P100 M kontrata sa Werfast Documentary Agency, isang courier service na nagde-deliver ng mga armas.
Una nang sinabi ni Purisima na naaprubahan ang kontrata noong May 25, 2011 o mahigit isang taon bago siya itinalagang PNP Chief ni PNoy noong Disyembre 18, 2012.
- Latest