Albay umiskor ng ‘zero casualty’ sa bagyong Ruby
MANILA, Philippines - Muling umiskor ang Albay ng Zero Casualty laban nagdaang bagyong Ruby.
Ito ang konklusyon ng Albay Provincial Safety and Emergency Management Office (Apsemo) bunga ng masusing pagsusuri sa operational procedures nito at ang performance ng premyadong Team Albay disaster response group.
Ang Zero Casualty goal o walang mamamatay sa nagaganap na kalamidad ay marubdob na hangarin ng Albay na matagumpay at paulit-ulit naman nitong nakakamit.
Matapos lumabas sa Kabikulan ang bagyo, agad nagpalabas ng ‘Decampment Memorandum’ si Albay Gov. Joey Salceda na nagbibigay pahintulot sa mga evacuees na umuwi na ngunit iwasan nila ang mga lubog sa bahang mga daanan.
Nakipag-ugnayan din siya sa Department of Education tungkol sa patuloy na temporary suspension of classes at sa Albay Electric Coop para kaagad maibalik ang kuryente sa lalawigan.
Pinakilos ng gubernador ang Apsemo at Team Albay na mabilisan nilang ilikas sa mga evacuation centers ang 123,217 pamilya o mahigit 616,000 katao na nanganganib sa land slides, storm surge o pagtaas ng alon sa dagat, pagbaha, pagdaloy ng lahar mula sa gilid ng Mayon, at mga nakatira mga kubo na madaling ilipad ng malakas na hangin.
Ayon kay Salceda, natiyak ng Apsemo na Zero Casualty nga ang iskor nila laban kay Ruby matapos masuri nila ang mga pangyayari at ulat ng mga health units at Provincial Police ng Albay at natiyak na wala ni isang namatay kaugnay ng kalamidad.
- Latest