White House dapat bakantehin ni Purisima - Miriam
MANILA, Philippines - Ngayong suspendido na si PNP chief Gen. Alan Purisima sa kautusan ng Ombudsman ay sino na ang dapat tumira sa “White House” na official residence ng pinuno ng Philippine National Police?
Ayon kay Sen. Miriam Defensor-Santiago, dapat bakantehin ni Purisima ang White House na nasa loob mismo ng Camp Crame.
Sabi ni Santiago, ang pagtira sa opisyal na tirahan ng PNP ay kaakibat ng kanyang posisyon at dahil suspendido si Purisima, dapat ay suspendido rin ang pagtira niya sa White House.
Nauna rito sinabi ng tagapagsalita ng PNP na mananatili sa kanyang official residence si Purisima sa loob ng Camp Crame.
Matatandaan na sinuspinde ng Office of the Ombudsman si Purisima sa loob ng anim na buwan dahil sa maanomalyang kontrata na pinasok ng PNP sa courier service company na Werfast Documentary Agency noong 2011.
Binanatan rin ni Santiago ang naging pagmamatigas ni Purisima na noong una ay ayaw sumunod sa suspension ng Ombudsman at naghain ng temporary restraining order.
Naging kontrobersyal ang pagpapatayo ng “White House” sa Camp Crame na nagkakahalaga ng P25 milyon kung saan ay kinuwestyon ito ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).
Ipinatanggol ng PNP ang nasabing white house at sinabing P12 milyon ang nagastos dito at walang nagmulang pondo mula sa PNP kundi mula ito sa donasyon.
Naitalaga na si Deputy Director General Leonardo Espina bilang officer in charge ng PNP.
Una nang iginiit ni Senate President Franklin Drilon na dapat ng desisyunan ni Pangulong Aquino kung tuluyang sisibakin sa puwesto si Purisima dahil mahalagang mapanatili ang seguridad sa bansa partikular sa 2015 kung saan dalawang malalaking events ang magaganap, ang pagdalaw ng Santo Papa at ang APEC summit.
- Latest