Pasahe sa jeep, P7.50 na
MANILA, Philippines - Simula kahapon ay P7.50 na ang minimum na pasahe sa mga pampasaherong jeep sa Metro Manila matapos aprubahan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang hiling ng grupong National Council for Commuter Protection (NCCP) na maibaba ang pasahe dahil sa patuloy na pagbaba ng halaga ng krudo at gasolina sa merkado.
Sinabi ni LTFRB Chairman Winston Ginez na hindi na kailangan pa ang fare matrix para rito dahil ang bawat pasahe sa bawat destinasyon na ruta ng jeep ay babawasan na lamang ng halagang P1.
Binigyang diin ni Ginez na dapat agad sundin ng mga operator at driver ng jeep ang naturang direktiba dahil kung hindi ay maaari ang mga itong maparusahan o posibleng makansela ang kanilang prangkisa.
Wala pa namang desisyon ang LTFRB sa fare reduction sa mga passenger jeep sa ibang rehiyon at kung may bawas pasahe rin sa iba pang pampasaherong sasakyan tulad ng passenger buses, AUVs at taxi.
Pasok pa rin ang 20% discount sa mga estudyante at senior citizen, na sa komputasyon ng LTFRB ay nasa minimum na P6.
Kinondena naman ng militant transport group na PISTON ang biglaang desisyon ng LTFRB dahil sa legal na paraan anya ng bawas pasahe ay dapat na may palugit na 15 araw at hindi ura-urada.
- Latest