Supply ng pagkain, sapat kahit may bagyo
MANILA, Philippines - Sapat ang suplay ng pagkain sa bansa laluna sa darating na Kapaskuhan kahit na nanalanta sa sektor ng agrikultura ang bagyong Ruby partikular sa Region 8 sa Visayas at region 5 sa Bicol, ayon kay Agriculture Sec. Proceso Alcala.
Sinabi ni Sec. Alcala, hindi naapektuhan ni bagyong Ruby ang mga palayan sa bansa partikular sa naturang mga rehiyon na sinalanta ng naturang bagyo dahil bago pa man manalasa ang bagyo ay nakapag harvest na ng mga palay ang mga farmers.
Hindi rin anya naapektuhan ng naturang bagyo ang mga hayupan laluna ang mga manukan laluna ang region 4 A na pangunahing supplier ng manok.
“Sapat ang suplay ng ating mga pagkain laluna ng palay, mga manok at mga alagang hayop tulad ng baboy dahil nakapaghanda tayo sa pagdating ng bagyong Ruby, maagang nag-anihan at nai safe natin ang mga hayupan kaya walang dahilan para kulangin tayo sa suplay,” paliwanag ni Alcala.
Bunga anya nito, walang dahilan para manamantala ang mga magtitinda ng naturang mga produkto at walang magaganap na pagtaas ng presyo ng mga pagkain. Safe din anya ang Benguet at iba pang mga probinsiya na producers ng mga gulay kayat wala ding magaganap na taas ng presyo ng mga gulay.
- Latest