Signal no. 2 itinaas kay Ruby
MANILA, Philippines - Lumakas pa habang papalapit sa kalupaan ng Pilipinas ang bagyong Ruby (international name “Hagupit” dahilan para isailalim na sa signal number 2 ang buong Eastern Visayas o Region 8 at ilang lugar sa Mindanao.
Huling namataan ang bagyo sa layong 720 km silangan ng Surigao City taglay ang lakas ng hanging nasa 205 km bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong nasa 240 km bawat oras.
Nakataas ang signal no. 2 sa mga lalawigan ng Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Siargao Island at Dinagat Island.
Signal no. 1 naman sa Catanduanes, Albay, Sorsogon, Masbate kasama ang Ticao Island, Northern Cebu kasama ang Bantayan Island at Camotes Island, Surigao del Norte, Surigao del Sur at Bohol.
Nagbabala ang Pagasa ng 3-4 metrong storm surge mula sa karagatan. Katumbas ito ng taas ng isang palapag na gusali.
Sinabi ni Chris Perez, weather specialist ng Pagasa na may 75 percent ang tsansang mag-landfall si Ruby sa eastern Visayas sa darating na Sabado mula sa 60 percent probability ng pag-landfall nito.
- Latest